Extension ng probationary period, puwede ba?
Dear Attorney,
Maaari po bang ma-extend ang probationary period? Sinabihan po kasi ako ng management na patatagalin na lang daw ang probationary period ko para makapasa ako sa evaluation. — Mar
Dear Mar,
Hanggang anim na buwan lang ang dapat itagal ng probationary period ng isang bagong empleyado ngunit ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Mariwasa Manufacturing, Inc. vs. Leogardo (G.R. No. 74246, 26 January 1989), maaring i-extend ang probationary employment kung ito ay para mabigyan ng karagdagang pagkakataon ang empleyado na maipakita ang kanyang kakayahan upang mapataas niya ang posibilidad na siya ay ma-regular sa trabaho.
Ang extension na ito ay ibinibigay bunsod lamang ng kagandahang loob ng employer kaya hindi ito maaring maging basehan ng reklamo kung sakaling hindi pa rin siya makapasa sa evaluation matapos ang extended period.
Kailangan lang na “in good faith” ang extension at ito ay para talaga sa layuning makapasa sa evaluation ang employee kaya inextend ang kanyang probationary period. Kung inextend ang probationary period kahit pa pasado na naman sa evaluation ang empleyado at ito isinagawa lamang para siya ay hindi tuluyang ma-regular sa trabaho ay maaring maharap sa reklamo ang employer kung mapatutunayan ito.
- Latest