Mayang (51)
HABANG nakikinig si Jeff sa usapan sa cell phone nina Puri at Henry, bigla niyang naalala ang isang krimen kung saan isang balikbayan ang natagpuang patay sa isang liblib na lugar. Pinatay ang balikbayan matapos pagnakawan. Ayon sa mga pulis, ang balikbayan ay biktima ng sindikato. Kakaibiganin ang biktima at kapag nakuha ang loob ay saka isasagawa ang krimen. Hindi na maalala ni Jeff kung nalutas ang kaso ng pagpatay sa balikbayan.
Hindi kaya sina Puri at Henry ang mga miyembo ng sindikato? Base sa narinig niya kanina, kapag nanakawan na siya ay ililigpit na?
Posibleng mga miyembro ng sindikato sina Puri at Henry! At hindi maliit na sindikato sapagkat ang binibiktima ay hindi lamang mga OFW kundi mga balikbayan na maraming naipong pera.
Naisip ni Jeff na kailangang maghanda siya. Tiyak na pipilitin siya ni Puri na ibigay niya ang ATM o maski mga alahas niya.
Lalo pa nga at sinabi niya rito na ipagkakaloob ang lahat niyang pera, sabihin lamang kung nasaan si Mayang.
Tiyak na lalansihin siya ni Puri—magbibigay kunwari ito ng address ni Mayang pero peke. Mag-iimbento ng address para lang makuha ang pera niya at mga naipon niyang alahas.
Kailangang makagawa siya ng paraan. Kailangang makatawag siya sa pulisya at maireport ang dalawa. Pero paano? Mahahalata siya ni Puri kapag nakitang gumagamit siya ng cell phone.
Maya-maya, naramdaman niyang hindi mapakali si Puri. Tumatayo at umuupo. Hindi malaman ang gagawin.
Maya-maya nakita ni Jeff na tinawagan uli ni Puri si Henry.
Narinig niya ang pinag-uusapan.
“Gigisingin ko si Jeff at yayayain kong pumunta sa tirahan niya.’’
“Sige pero pagbutihin mo ang pangungumbinsi. Baka makahalata yan at mabulilyaso tayo.’’
“Hindi Henry.’’
“Kapag nasa tirahan na kayo ni Kumag, itext mo sa akin ang location at pupunta ako.’’
“Paanong gagawin natin sa kanya?’’
“Gaya ng dati. Paliligayahin mo muna saka sisimutin ang pera at alahas! Pagkatapos, ako na ang bahala sa kanya! Hindi na siya magigising!” (Itutuloy)
- Latest