Hiyasmin (109)
“Okey lang sa’yo Sir Dax na sunduin ako? Baka mapagod ka? Galing ka pa sa opis? Tapos baka hindi ka pa kumakain?’’ sabing nag-aalala ni Hiyasmin.
“Hindi ako mapapagod. Okey lang na sunduin kita.”
“Ikaw kasi ang inaalala ko.’’
“Huwag kang mag-alala sa akin. Ako nga ang nag-aalala sa’yo kapag ginagabi ka.’’
“Kasi nga kaya ako nag-aalala e dahil hindi ka pa nakakapaghapunan dahil sa paghihintay sa akin.”
“Hindi naman ako nagugutom. At saka kakain din naman tayo paglabas mo sa school. Puwede tayong maghapunan uli sa restaurant na kinainan natin. Masarap ang fried chicken nila di ba? Dun uli tayo kumain.’’
“Sige po Sir Dax. Salamat po sa pag-aalala sa akin.’’
“Nag-aalala kasi ako dahil maraming addict ngayon. Baka pagsakay mo sa dyipni ay may makasakay kang holdaper o kaya ay mandurukot. Kung susunduin kita, maari tayong magtaksi.’’
“Oo nga po. Kapag sumasakay nga po ako ng dyip e may mga lalaking tingin nang tingin sa akin—para akong hinuhubaran.”
“Mga addict yun! Laganap kasi ang droga ngayon. Kahit saan yata ay may mga addict.’’
“Gaya po nung isang gabi. Dalawang lalaki ang tingin nang tingin sa akin tapos ay nagbubulungan. Palagay ko mga holdaper yun.”
“Anong ginawa mo?”
“Bababa sana ako at lilipat ng dyip. Mabuti na lang at may sumakay na lalaki na parang pulis ang itsura. Nakasibilyan at may nakaumbok na baril sa tagiliran. Biglang nagbabaan ang dalawang lalaki na tingin nang tingin sa akin. Natakot siguro sa lalaking mukhang pulis.”
“Mga holdaper yun.’’
“Kinabahan ako.’’
“Kaya nga kapag gagabihin ka, sabihin mo sa akin at susunduin kita.’’
“Opo Sir Dax.” (Itutuloy)
- Latest