EDITORYAL - Walang ngipin ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act
MULA nang lagdaan noong Mayo 2013 ang Republic Act 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act” marami nang malagim na aksidente sa kalsada ang naganap na ang dahilan ay ang pagmamaneho nang lasing sa alak o kaya bangag sa ipinagbabawal na droga. Halos lahat nang mga nangyaring aksidente ay pagkalango sa alak at droga. Maski mga PUV drivers ay nagpopositibo sa alak at droga kaya ang minamanehong jeepney at bus ay lumilipad o nagdadayb sa bangin.
Marami nang namatay dahil sa kagagawan ng mga lasing at bangag na drayber. Marami na ring nasirang ari-arian. At sa kabila niyan, hindi maipatupad nang maayos ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act.
Noong nakaraang Biyernes, tatlong tauhan ng Philippine Air Force ang namatay nang bumangga ang kanilang sinasakyang kotse sa concrete barriers sa EDSA, Cubao, malapit sa P. Tuazon tunnel. Sa lakas ng pagbangga, nagpaikut-ikot ang kotse at saka nagliyab. Hindi na nakalabas ang tatlong PAF officers. Ang driver ng kotse na isa ring miyembro ng PAF ay himalang nakaligtas.
Inamin ng drayber na nakainom silang apat dahil nagdiwang sila ng ikalimang taon sa serbisyo sa PAF at pabalik na sa Villamor Airbase nang mangyari ang malagim na aksidente. Nahaharap ang drayber sa multiple homicide through reckless imprudence at drunk driving.
Sa ilalim ng RA 10586, ang sinumang mahuhuli na nagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak at pinagbabawal na droga ay makukulong ng tatlong buwan at pagmumultahin ng P80,000. Kapag may namatay, magmumulta ng P200,000 hanggang P500,000 at may katapat na pagkakakulong.
Ang tanong ay kung naipatutupad ba ang batas na ito? Siyam na taon na mula nang ito ay isabatas subalit karamihan nang mga nangyayaring aksidente sa kalsada ay dahil sa pagmamaneho nang lasing at pagkalango sa droga. Mayroon bang sapat na equipment ang traffic enforcers para ma-detect kung lasing o bangag ang drayber? O sinusuhulan na lang ang traffic enforcers para makalusot sa pananagutan?
Nararapat ipatupad at lagyan nang matalas na ngipin ang batas na ito para walang lumabag at maiwasan ang mga malalagim na trahedya sa kalsada.
- Latest