Ang sugat para maghilom nang tuluyan
MAY reunion ang batch namin sa elementary. Interesado akong umatend, in fact, kahit ito ay malayo pa, nagpadala na ako ng contribution. Lately, nalaman kong mag-iimbita ng mga naging guro namin. Kasamang inimbitahan ay ang titser kong nagpalungkot ng aking buhay ng buong school year ng aking 6th grade.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay pinagsasalitaan niya ako ng negatibong salita na nagpapahiya sa akin sa harapan ng aking mga kaklase. Natatandaan ko’y malungkot na malungkot na ako tuwing Linggo ng hapon. Ibig sabihin ay magsisimula na naman ang aking kalbaryo kinabukasan ng Lunes. May isa akong kaklase na nagsabing “Baka buntis si Mam, pinaglilihian ka.” Kahit sila ay nagtataka na kung bakit ako ay laging pinag-iinitan.
Kahit natapos na ang pang-aabuso sa akin nang gumaradweyt kami, may naiwang isang malalim na sugat sa aking pagkatao. Nagtagumpay ang gurong iyon na buwagin ang malaking tiwala ko sa aking sarili na nabuo noong ako ay nasa grade 5. May dalawa akong guro sa 5th grade na mababait sa akin: isa sa Math at isa ay adviser ko, na ibinibilang ako sa matatalino nilang estudyante. Kaso, dahil sa pang-aabuso sa akin ng 6th grade teacher, nagduda na ako sa aking kakayahan.
Kinalimutan ko ang mga nangyari kahit ang malaking epekto ng panghihiya sa akin ay bitbit ko pa rin. Naging mahiyain ako. Dati ay magaling akong mag-pronounce ng English words pero naging poor na ako sa aspetong iyon. Pumangit ang aking posture, may mga moments na nagiging kurkubado ako. Kasi naging mahiyain ako. Ang tendency ay laging yumuko at tumungo. Marami akong naging struggles. Pinaglalabanan ko lang dahil gusto kong itaas muli ang tiwala ko sa aking sarili.
Nang malaman kong aatend ng reunion ang gurong umabuso sa akin ay bumalik na naman ang “galit”. Hindi pa man nangyayari na kami ay magkita, parang nakukutkot na naman ang sugat na naghilom. Parang sa ibabaw lang natuyo pero nananatiling sariwa sa ilalim. Wala kasing closure. Walang “finality”. Wala akong justice na natanggap. Kumbaga, pinalipas na lang. Kaya mas makakabuti kung huwag na lang akong umatend. Kung hindi ko makikita ang gurong nanakit sa akin 45 years ago, walang makutkot na sugat.
“Kung minsan, mas mabuting huwag mo nang makita ang taong nagkasala sa iyo para makalimutan mo na ang atraso niya sa iyo.”
- Latest