EDITORYAL - Air pollution sa Metro hamon kay Cimatu
NAKUMPIRMA na ng Commission on Appointment noong nakaraang linggo si DENR Secretary Roy Cimatu. Mabilis siyang nakalusot sa makapangyarihang CA na di-katulad ng pinalitan niyang si dating Secretary Gina Lopez.
Larawan ng saya si Cimatu makaraang makumpirma. Walang bakas na pinahirapan. Ang ngiti ay sukdulan sapagkat ganap na siyang kalihim ng DENR. Magagampanan na niya nang walang alinlangan ang tungkulin. Buung-buo na ang kanyang tiwala.
Ngayong kumpirmado na siya, kailangang harapin na niya ang maraming hamon. At isa sa matinding hamon na dapat niyang iprayoridad ay ang air pollution sa Metro Manila.
Grabe na ang air pollution sa Metro at inamin na ito ng DENR noong nakaraang taon. Ayon sa data na nilabas ng DENR-Environmental Management Bureau ang air pollutant concentrations sa Metro Manila ay umabot na sa 130 micrograms per normal cubic meter (NCM). Ang maximum safe level ng air pollutant concentration ay 90 micrograms per NCM. Masyadong mataas ito. Ito ang level kung saan masyado na ang lason na nasa hangin.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang maruming hangin ay nagdudulot ng noncommunicable diseases (NCDs). Kabilang sa mga sakit na idinudulot ng air pollution ay ang allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Ayon pa sa DOH, nakaamba ang panganib sa mga pasahero at pedestrians dahil sila ang nakalantad sa maruming hangin. Araw-araw, nalalanghap ng mga pasahero at pedestrians ang maruming hangin na dulot ng mga sasakyan. Bukod sa usok ng mga sasakyan, nalalanghap din ang mga usok ng sinunog na basura, goma, at harmful wastes na delikado sa kalusugan.
Sabi ng isang health official, hindi nabibigyang pansin ng gobyerno ang isyu ukol sa air pollution. Lulubog-lilitaw daw ang isyu sa air pollution at hindi binibigyang halaga. Unahin daw ang problema na nakasalalay ang buhay ng mamamayan.
Malaking hamon kay Cimatu ang air pollution. Ngayon makikita kung karapat-dapat ba siyang pamunuan ang DENR. Si dating Sec. Gina Lopez ay nagpakita ng “pangil” sa mga lumalason sa kapaligiran, ganito rin kaya ang ipakita ni Cimatu.
Sana mahigitan niya. Sayang ang pagtitiwala ni Duterte kung walang makikitang “pangil”.
- Latest