Sauna at pagpapawis: Ligtas ba ito?
KAMAKAILAN ay nauso ang pagsa-sauna o pagpapawis. Ang init ng sauna ay may malaking epekto sa katawan. Tumataas ang temperatura sa balat at maglalabas ka ng 2 basong pawis sa loob ng ilang minuto lamang.
Ang pulso ay bibilis din ng 30% at dodoble ang dugo na binobomba ng puso. Habang nagpapainit, karamihan ng dugo ay pupunta sa balat para makagawa ng pawis. Ito ang paraan ng katawan para maibaba ang iyong temperatura.
Para sa kabataan at malusog na tao, marahil ay walang magiging masamang epekto ang sauna. Pero sa mga may edad at may mga karamdaman, baka makasama ito.
Posibleng benepisyo:
1. Pamparelax at pampasarap ng pakiramdam.
2. Pampapayat ng kaunti. Bumibilis ang ating metabolism kapag nasa mainit na lugar. Ngunit ang mawawalang timbang ay dahil lamang sa pawis na nailabas at panandalian lang ang epekto ito.
3. Maaaring inaalis ang toxins sa katawan.
Posibleng Peligro:
1. Sakit sa puso at istrok. Bahagyang nahihirapan ang puso habang nagpapainit ng husto.
2. High blood o altapresyon. Nagiging irregular ang blood pressure kapag nag-sa-sauna.
3. Dehydration at pagkaubos ng tubig at sustansya sa katawan kapag nasobrahan ng tagal sa sauna. Kailangan ay mga 15 o 20 minutos lamang. Puwede ito umabot sa pagkahilo at heat stroke.
Para maging ligtas, uminom ng 2 hanggang 3 basong tubig pagkatapos mag-sauna. Huwag ding magtagal sa sauna ng lalampas sa 20 minutos. Kapag ika’y nahilo ay itigil na ito.
Sa mga may karamdaman sa puso, diabetes at iba pa, mas mabuti na umiwas na lang sa sauna. Kumunsulta sa doktor kung ligtas ba ito sa iyo.
Para sa akin, ang normal na ehersisyo ay sapat na para ika’y magpawis at maging malusog. Tutal, sa init ng panahon sa Pilipinas ay para ka na ring nasa sauna araw-araw.
- Latest