Election protest, ituloy ni Marcos
MAKABUBUTING ituloy ni Sen. Bongbong Marcos ang kanilang protesta kaugnay ng May 9, 2016 elections.
Dahil proklamado si Vice President Leni Robredo, awtomatikong ang presidential electoral tribunal ang didinig sa elections protest ni Marcos.
Makakatulong ang nasabing protesta upang malaman kung mayroon ngang dayaan sa nakaraang eleksiyon.
Hindi dapat pakinggan ng kampo ni Marcos ang naging pahayag ng election lawyer na si Atty. Romy Macalintal na huwag na raw magprotesta si Marcos at muling kumandidato na lang sa 2019 elections bilang senador.
Kung kakandidato nga naman si Marcos sa 2019 elections ay awtomaikong madidismis ang election protest nito.
Sinabi pa ni Macalintal na masyadong magastos ang election protest at matagal ang proseso.
Pero para sa interes ng taumbayan, makabubuting ipursige ni Marcos ang kanyang elections protest lalo pa’t may sinasabi silang matibay na ebidensiya ng dayaan sa nakalipas na halalan.
Hindi na dapat pang pumapel si Macalintal sa election protest ni Marcos dahil abogado ito ni Robredo dahil baka ang maging persepsiyon ng publiko ay natatakot ito na malantad ang posibleng dayaan sa eleksiyon.
Mas pabor pa nga kay Robredo ang election protest ni Marcos dahil malilinis ang pangalan niya sa bintang na dayaan kapag naibasura ang nasabing kaso at mawawala ang agam-agam ng publiko sa kredibilidad ng automated elections sa bansa.
Panawagan ko, bilisan ng tribunal ang pag-aksiyon sa election protest ni Marcos upang magsilbing batayan ito sa susunod na pagdadaos ng eleksiyon.
- Latest