Diet tips para sa iyo
(Part 2)
NOONG nakaraang linggo, nailathala ko ang 6 na pagkaing pampayat. Ito ay ang gulay, suha, mansanas, peras, itlog at saging. May dagdag pa akong 6 na masustansyang pagkain:
1. Beans.
Ang beans, tulad ng monggo beans, red beans at black beans, ay may maraming sangkap na fiber, iron, folic acid, magnesium, phosphorus, potassium at thiamine. Bukod dito, ang beans ay mababa sa taba, asin at kolesterol. Ang pagkain ng kalahating tasa ng beans bawat araw ay maaaring makapagpababa ng kolesterol, blood sugar at timbang. Karamihan ng tao ay puwedeng kumain ng beans. Bawal lang ito sa mga taong mataas ang uric acid sa dugo.
2. Suka.
Ayon kay Dr. Elin Ostman ng Lund University, ang pagkain ng tinapay kasama ang 2 kutsaritang sukang puti ay nakapagpapababa ng blood sugar at ng timbang. Ang paniniwala din ni Dr. D. C. Jarvis ay makapapayat ang pag-inom ng 1 basong tubig na hinaluan ng 2 kutsaritang suka, bago mag-tanghalian at mag-hapunan. Isang babala lamang: Kung ika’y may ulcer o hyper-acidity, mabuting umiwas na lang sa suka. Mas-safe ang pagkain ng suka kasama ng ating kinakain na isda, gulay at kanin.
3. Tofu o tokwa.
Alam ba ninyo na ang protina sa tofu at tokwa ay nakababawas sa ating gana kumain? Ito ang napatunayan ng mga researchers sa Louisiana State University. Kung ika’y mahilig sa baboy o baka, puwede mo ito palitan paminsan-minsa ng tokwa. Pareho naman itong may protina na kailangan ng katawan. Ang tofu at tokwa ay mataas din sa calcium, iron, zinc, magnesium, B vitamins, omega-3 fatty acids at fiber. Kaya mabuti ito sa ating puso at buto.
4. Green tea.
Ang green tea ay may catechins, isang antioxidant na makatutulong sa pagpapapayat. Ayon sa pagsusuri sa Japan, ang mga taong uminom ng green tea at oolong tea ay mas pumayat at bumaba din ang kanilang bad cholesterol. Sabi ni Dr. Kevin C. Maki, “Ang catechins ay nagpapabilis sa ating metabolism at nakapagtutunaw ng taba sa atay.” Sa mga may fatty liver, baka makatulong sa inyo ang green tea.
5. Brown rice at wheat bread.
Ang Harvard School of Public Health ay nagsabi kamakailan na ang pagkain ng brown rice at wheat bread ay makapipigil sa pagkakaroon ng diabetes ng hanggang 36%. Nasabi ng mga siyentipiko ito pagkatapos ng pag-aaral sa 200,000 katao sa loob ng 22 taon. Ang brown rice at wheat bread din ay makababawas sa ating timbang at sa kolesterol. Dahan-dahanin lang ang paglipat sa brown rice dahil puwede itong magdulot ng pagtatae.
6. High-fiber na cereal.
Ang pagkain ng cereal na mataas sa fiber ay mas nakakabusog at mas healthy sa katawan. Ito ang pahayag ng mga researchers sa VA Medical Center. Kapag kayo ay bibili ng cereals o tinapay, hanapin ang mga salitang “whole wheat” at “whole grains” sa pakete.
- Latest