^

Punto Mo

EDITORYAL - Huwag manirahan sa paanan ng bundok

Pang-masa
EDITORYAL - Huwag manirahan sa paanan ng bundok

Taun-taon may mga namamatay dahil natabunan ng gumuhong bundok ang kanilang mga bahay na nasa paanan nito. Nalilibing sila nang buhay sapagkat hindi na nagawang makalabas ng kani-kanilang mga bahay dahil sa bilis nang pagragasa ng putik na may kasamang bato.

Sa kabila na marami nang buhay ang nabuwis sa pagguho ng mga bundok o burol, patuloy pa ring pinapayagan ang paninirahan sa paanan o gilid nito. May magagawa ba rito ang pamahalaan o ang mga ahensiyang nakakasakop upang maiwasan ang pagkamatay? Panahon na para ipagbawal ang paninirahan sa paanan ng bundok.

Nang manalasa ang Bagyong Pepito noong Linggo, pito ang namatay sa Bgy. Labang, Ambaguio, Nueva Vizcaya. Lahat sila biktima ng landslides sapagkat ang kanilang mga bahay ay nakatayo sa mismong paanan ng bundok. Magkakamag-anak ang mga biktima. Ang ilan sa kanila ay nakisilong lamang nang tumama ang bagyo. Kabilang sa mga namatay ay dalawang bata.

Nakapagtataka naman kung bakit hindi nabigyan ng babala ng local government unit (LGU) ng Nueva Vizcaya ang mga residente na nasa gilid ng bundok gayung inianunsiyo na super typhoon ang hahagupit? Nagkulang ang LGU at hindi nailikas ang mga residente?

Marami nang nangyaring ganito. Paulit-ulit na lamang. Noong Abril 11, 2022, nagkaroon din ng landslides sa isang village sa Baybay, Leyte dahil sa Bagyong Agaton na ikinamatay nang ­maraming residente. Lumambot ang lupa at nagkaroon ng ­landslides.

Halos ganito rin ang nangyari sa Mt. Minandar sa Maguindanao del Norte nang Bagyong Paeng noong Oktubre 2022 na ikinamatay ng 60 katao. Rumagasa ang putik at bato sa bundok at inilibing nang buhay ang mga taong nasa kani-kanilang mga bahay. Noong Enero 2024, 16 ang namatay sa landslides sa Mt. Diwata sa Monkayo, Davao de Oro.

Ang pinakagrabeng landslides na nangyari sa bansa ay nang gumuho ang bundok sa Bgy. Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte noong Pebrero 2006. Mahigit 1,000 katao ang namatay karamihan ay mga bata na nasa eskuwelahan. Nabiyak ang bundok dahil sa walang tigil na pag-ulan. Naipon ang tubig sa bundok. Ang pagkakalbo ng bundok ang dahilan kaya nagkaroon ng landslides.

Ibawal ang paninirahan sa mga gilid o paanan ng bundok upang hindi na maulit ang mga trahedya. Mangyayari muli ang landslides dahil wala nang mga punongkahoy sa bundok o gubat. Ipatupad naman ng DENR ang malawakang pagtatanim ng mga puno sa mga kalbong bundok at kagubatan upang maiwasan ang trahedya sa pagguho ng lupa.

BUNDOK

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with