Second first birthday
KAHAPON, ipinagdiwang namin ang second first birthday ng aking tatay. Isang taon na ang nakararaan nang isagawa ang matagumpay niyang kidney transplant. Isang taon na mula nang bigyan siya ng Diyos ng ikalawang pagkakataong mabuhay.
Lumabas ang sakit ni Papa na end-stage renal failure tatlong buwan matapos niyang simulang mabuhay nang malinis. Tumigil siya sa mga bisyo tulad ng pag-inom at nagsimulang mag-ehersisyo, kumain ng tama at magdiyeta. Kung kailan niya inalagaan ang katawan saka naglabasan ang mga sakit.
Ang kanyang sakit ay nangangahulugang wala nang 10% ng kanyang kidneys ang nagtatrabaho upang malinis ang kanyang katawan. Dahil dito kinailangan niyang mag-dialysis tatlo hanggang limang beses kada linggo, minsan nga ay araw-araw pa upang malinis ang kanyang dugo. May mga pagkakataong sa ospital na siya nagdiriwang ng kaarawan at Bagong Taon.
Simula nang nalaman ko ang tungkol sa sakit ng aking tatay, hindi ako tumigil sa pagdarasal na sana ay mabiyayaan na siya (transplant) ng kidney na maaaring ipalit sa failed kidneys. Subalit may sariling plano ang Diyos. Sa mahigit apat na taong pagdarasal, saka pa lamang pinahintulutan ng Diyos na sumailalim sa transplant si Papa.
Napakagaling ng timing ng Diyos dahil ang dialysis ay hanggang limang taon lamang. Kapag sumobra rito at hindi pa nasasalinan ng panibagong kidney, imposible na ang transplant dahil may tinatawag silang systemic damage. Isa-isa nang mahihirapan ang organs ng katawan at madalang mabigyan ng clearance para makapagpa-opera.
Pero napakagaling ng Diyos. Hindi niya kami binigo. Sa loob ng anim na buwan, bago pa man ang kidney transplant, sumailalim si Papa sa operasyon sa puso at gall stones. Isipin mo kung gaano kalakas ang tatay ko para kayanin iyon ng katawan niya. At panghuli ang kidney transplant.
Ang donor ng aking tatay ay isang anghel. Hindi pa man hinihingi ay ini-offer na ang kaniyang kidney. Totoo nga ang mga anghel sa lupa.
Hindi natapos ang aming pagdarasal na maging matagumpay ang operasyon pagkatapos ng operasyon. Dahil nagkaroon ng ilang kumplikasyon matapos ang transplant. Tatlong linggong hindi siya natulog, nagsasalita ng kung anu-ano dahil sa kawalan ng tulog. Allergic pala siya sa isa sa maintenance medicines niya!
Matapos ang pagdurusa, ngayon ay malakas pa sa kalabaw ang tatay ko at mas malusog at matapang na mabuhay!
Lahat ay ipagkakaloob ng Diyos kung taos-pusong ipagdarasal. Natagalan man, ito naman ay nagkatotoo at kanyang ibinigay. God rewards the faithful. Basta manalig ka, magkakatotoo!
Happy second first birthday Papa! Mahal na mahal ka namin! Araw-araw ka naming ipinagpapasalamat sa Diyos. Ikaw ang patunay na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak!
- Latest