Solusyon sa mga pala-absent na kongresista
HINDI na yata maiaalis ang katamaran at pagiging iresponsable ng ilang kongresista. Tungkulin nilang dumalo sa sesyon upang bumalangkas at mag-apruba ng mga panukalang batas na mahahalaga para sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Pero sa nakaraaang dalawang linggo, nabigo ang House of Representatives na makabuo ng quorum. Ito ang dahilan upang mabalam ang mga panukalang batas na sana ay pinagdedebatehan at inaprubahan na. Isa na rito ang Reproductive Health Bill.
Ang pangunahing dahilan daw kung bakit hindi makabuo ng quorum para maaprubahan ang panukalang batas ay dahil karamihan daw sa mga kongresista ay umiikot na sa kanilang distrito bilang preparasyon sa 2013 elections.
Dapat palang baguhin ang kalendaryo ng Kongreso at bawasan ang termino ng mga ito. Dapat dalawang taon na lang para ang isang taon na nalalabi ay itodo nila sa pangangampanya o paghahanda sa eleksiyon. Lugi ang taumbayan na pinasusuweldo sila pati ang kanilang mga empleyado, ngunit hindi naman nagtatrabaho.
May solusyon upang maiwasan ang mga pala-absent na mga kongresista --- gawing isang termino na lang sila para wala nang paghahandaang eleksiyon sa kanilang distrito.
Sa ngayon ay hindi naman lubos na masisisi sa liderato ng House ang pagiging pala-absent ng mga kongresista. Indibidwal na responsibilidad ito ng mga kongresista. Sila ay may obligasyon na dapat gampanan lalo na ang mga pagsipot sa sesyon.
Panahon na upang amyendahan pa ang patakaran sa House. Kapag maraming absent ang isang kongresista sa loob ng kanyang tatlong taong termino ay hindi na ito kuwalipikado na muling kumandidato sa eleksiyon.
Walang pinag-iba ‘yan sa mga estudyante na kapag laging absent sa klase ay ilalagpak ito kung kaya hindi makakaabante sa susunod na grado.
Puwede rin kaya na bawat absent ng mga kongresista at bawas din sa kanilang tinatanggap na pork barrel fund.
Ang kailangan sa Pilipinas ay ginagamitan ng kamay na bakal ang mga Pilipino tulad ng mga kongresista na dapat ay maging mabuting halimbawa pero ngayon ay masamang modelo ang mga ito sa pagiging pala-absent.
Malaki ang paniwala ko na kapag may kinalaman sa pork barrel at sila ay mababawasan ng pondo kapag umaabsent, asahan na sisipagin ang mga ito na pumasok o sumipot sa sesyon.
Pansamantala, ang gawin muna ng liderato ng House sa kasalukuyan ay ibunyag ang listahan ng mga kongresistang pala-absent para malaman ng publiko. Baka sakali ay mabawasan ang kanilang boto sa susunod na eleksiyon.
Panawagan ko sa mga botante, bigyan natin ng leksiyon mga tamad na kongresista dahil ang kanilang pangunahing trabaho bilang mambabatas ay buma-langkas at mag-apruba ng batas .
Paulit-ulit na lang ang ginagawang pag-absent ng mga kongresista pero hanggang sa ngayon, hindi pa rin maresolba ng liderato ng House.
- Latest