Higpitan din ang private plane
AKALA natin ang pinaka-safe na sasakyan ay eroplano, pero hindi pala dahil may nakakalusot at hindi dumadaan sa maintenance. Halimbawa na lamang ay ang eroplanong sinakyan ni yumaong DILG secretary Jessie Robredo.
Ayon sa findings ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), poor maintenance at pilot error ang sanhi ng pagbagsak ng eroplanong sinakyan ni Robredo na ang piloto ay si Capt. Jessup Bahinting at flight student Kschitiz Chand. Si Bahinting ang may-ari ng kompanyang Aviators na nagpaparenta ng mga eroplano.
Ayon sa CAAP, nagkamali raw si Bahinting nang ituloy na paliparin ang Piper Seneca plane kahit nagka-aberya na ang makina nito. Nakipagsabwatan diumano ang Aviators sa CAAP inspectors upang makapasa ito kahit hindi maayos ang maintenance. Dapat matukoy ng CAAP kung sino sa kanilang inspectors ang nakipagsabwatan sa Aviators upang ipasa sa pagsusuri ang kanilang mga eroplano.
Dapat siliping mabuti ang performance ng CAAP kung talaga bang natutugunan nito ang kanilang trabaho sa pagbabantay sa mga eroplano. Maraming private plane ngayon na ang mga parukyano ay mayayamang opisyal ng gobyerno. May mga flying school na mapanganib sa mga estudyante.
Sana ay maghigpit na ang CAAP matapos ang kanilang findings sa pagbagsak ng eroplano na ikinamatay ni Robredo.
Ang mga commercial plane ay tinitiyak ang maintenance ng kanilang eroplano. Kapag may bumagsak, tiyak na bagsak din ang kanilang kompanya. Marapat lang na laging maghigpit ang pagbabantay ng mga otoridad sa mga eroplano pribado man o panpasahero.
- Latest