4 nasawi, 8 nasugatan sa bagyong Julian
MANILA, Philippines — Apat katao ang naitalang nasawi sa pananalasa ng bagyong Julian na nagdulot ng malawakang pagbaha at malakas na ihip ng hangin partikular na sa Northern Luzon, ayon sa ulat nitong Miyerkules.
Ang mga nasawi ay kinabibilangan ng isang 87-anyos na matandang babae sa Batac City at isa sa Laoag City na inatake naman sa puso sa evacuation center habang ang dalawa pang nasawi ay kinabibilangan naman ng isang nakuryente sa Cagayan at isang nalunod sa Ilocos Sur.
Sinabi naman ni Ilocos Norte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Randy Nicolas, nasa 18,000 pamilya ang naapektuhan ng kalamidad kung saan nasa 1,000 katao pa ang nanatili sa evacuation center.
Sa report naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isa ang nawawala at 8 ang nasugatan sa matinding hagupit ni super typhoon Julian .
Ayon sa NDRRMC, nasa kabuuan namang 43,093 pamilya o 149,293 katao mula sa 552 Barangays sa Ilocos, Cagayan at Cordillera Region ang nasalanta ng kalamidad. Sa nasabing bilang, nasa 646 pamilya at 2, 176 indibidwal ang nagsilikas sa kanilang tahanan.
- Latest