P42-45 per kilo na bigas kalat na sa mga palengke sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Inihayag nitong Miyerkules ng mga grupo ng rice retailers na halos lahat ng palengke sa Metro Manila ay naglalako na ng P42 hanggang P45 kada kilo ng regular at well-milled rice dahil sa inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na babaan ang taripa ng bigas sa bansa sa 15 porsyento.
Bilang patunay, inanyayahan nitong Martes ng umaga ng Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM), isang malaking organisasyon ng mga rice traders, si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at iba pang mambabatas para mag-inspeksyon ng presyo ng bigas sa Guadalupe Market sa Makati, Farmers’ Market at Nepa QMart sa Quezon City.
Kasama ni Speaker sa pag-iikot sa palengke sina ACT-CIS partylist Reps. Erwin Tulfo at Edvic Yap at Quezon province Rep. Mark Emverga.
“Inimbitahan po namin si Speaker (Romualdez) para sa market visit para ipakita sa kanya na lahat ay nagbebenta na ng P42-P45 kada kilo ng bigas. Ang nakita po namin dito na factor ‘yung pagbaba po ng taripa from 35% to 15%,” ani Orly Panuntag, pangulo ng PRISM.
“So natutuwa po ‘yung mga retailers natin tsaka ‘yung mga consumers po natin meron silang aasahan ngayon na P42 hanggang P45, ibababa pa po namin,” dagdag pa niya.
Ikinalugod naman ni Speaker and kapansin-pansin na agarang pagbaba ng presyo ng mga bigas dahil sa pagbaba ng taripa.
“Nag-iinspect lang tayo minomonitor natin ‘yung presyo ng mga bigas dito talagang makikita natin ang pagbaba ng presyo ng mga bigas sa abot kayang presyo sa masa. Ito ‘yun ng programa ng ating President Ferdinand R. Marcos Jr., na abot kaya lahat ng presyo,” sinabi ni Speaker Romualdez.
Karamihan naman sa mga tindero at may-ari ng bigasan sa mga naturang palengke ay nagpapasalamat sa pamahalaan dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
“Nagpapasalamat po kami at lalo na higit po sa inyong lahat at may dumating na po na mababa,” ayon kay Rey Panganiban, rice trader
Sinabi naman ni Arnel Figuro, negosyante ng bigas sa Farmers’ Market na maayos daw ang bentahan ngayon simula ng ibaba ang taripa sa bigas.
Ayon naman kay Elaine Cabildo, “Dahil bumaba nga ‘yung bigas marami kaming pwedeng mai-offer na mas mababang bigas kasi nga syempre hirap din sila sa budget kasi nga hindi lang naman bigas ang mahal ngayon.
Kasama ring nag-ikot sa palengke sina DTI Price Control ASec Agaton Uvero, DA Agribusiness and Marketing Assistance Services Asec Bebang Guevarra, at DTI representatives Dir. Fhillip Sawali, Div. Chief Rosita Jaleco at Asst. Div. Chief Joel Buag.
- Latest