Parak na drug pusher, tiklo sa buy-bust
![Parak na drug pusher, tiklo sa buy-bust](https://media.philstar.com/photos/2024/06/16/1_2024-06-16_21-58-15.jpg)
MANILA, Philippines — Isang aktibong pulis ang inaresto sa isang drug buy-bust operation kahapon ng madaling araw sa BF Homes, Parañaque City.
Ang suspek na itinago sa alyas Mac, 31, may ranggong police corporal na nakatalaga sa National Police Training Institute (NPTI) ay nasamsaman ng nasa 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000.
Sa ulat mula sa Southern Police District-Parañaque Police Station 3, alas-2:30 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa Purok 2, Formost St., BF Homes Parañaque City.
Sa imbestigasyon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Parañaque Police Station Drug Enforcement Unit at matagumpay na nakabili ang poseur-buyer ng shabu sa suspek na may kabuuang timbang na 20 gramo ng shabu.
Kinumpiska rin sa suspek ang isang kalibre .45 baril na may 3 bala, na sinasabing hindi naman service firearm.
Bukod sa ihahaing reklamong paglabag sa sections 5 at 11 (selling at possession) ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), inihahanda na rin ang reklamong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at administratibo.
- Latest