Ex-cop kinasuhan ng alarm and scandal
Driver’s license sinuspinde ng LTO...
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Nicolas Torre III na sinampahan nila ang isang dating pulis na nasangkot sa insidente nang pananakit at pagkakasa ng baril sa isang siklista sa isang road rage incident sa Quezon City noong Agosto 8, na nakuhanan ng video at nag-viral matapos maiposte sa social media.
Ayon kay PBGen. Torre, kasong alarm and scandal ang isinampa nila laban kay Wilfredo Gonzales sa piskalya.
Ang apat na tauhan ng QCPD Galas Police Station aniya ang nagsilbing complainant laban kay Gonzales at gagamitin nilang ebidensiya ay video ng insidente.
Ipinaliwanag din ng heneral na ngayon lamang naihain ang kaso dahil bagama’t Agosto 8 pa naganap ang insidente ay Agosto 27 lamang lumitaw sa social media ang video.
Muli rin namang pinabulaanan ni PBGen. Torre ang mga alegasyong tumulong ang mga pulis sa pag-aayos nina Gonzales at ng siklista at sinabing umaktong propesyunal ang mga ito at ginampanan lamang ang kanilang tungkulin nang idulog sa kanilang tanggapan ang kaso.
Kahit na nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng dalawang panig, sinabi niya na hindi saklaw nito ang alarm and scandal.
Inilahad ni Torre na sinisilip din nila ang posibilidad ng paghahain ng grave threat at attempted homicide cases.
Samantala, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw o tatlong buwan ang driver’s license ni Gonzales.
- Latest