Granada sumabog: 2 Cafgu, 1 pa patay
MANILA, Philippines — Dalawang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) at isang babae ang nasawi sa pagsabog ng granada sa loob ng isang bahay sa bayan ng Labason, Zamboanga del Norte nitong Biyernes ng hapon.
Ayon sa Zamboanga del Norte Provincial Police Office kinilala ang mga nasawi na sina Diego Babor Barnido; Benefrancis Babor Barnido, kapwa miyembro ng Cafgu, at kasambahay na si Sabina Baylosis Barnido, sanhi ng mga tama ng shrapnel sa kanilang mga katawan.
Una diumanong nakarinig ang mga kapitbahay ng mga biktima ng pagtatalo sa loob ng tahanan bago umalingawngaw ang malakas na pagsabog na ikinagulat ng mga residente ng Barangay Lawigan.
May ilang mga menor-de-edad pa ang naiulat na bahagyang nasugatan sa pagsabog na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng pag-aari ng isa sa dalawang Cafgu member ang granadang sumabog na nagsanhi ng pagkamatay ng tatlo.
- Latest