Pinoy todas sa LA mass shooting
MANILA, Philippines — Isang Pinoy ang kabilang sa 11 kataong namatay sa mass sa shooting sa isang dance hall sa Monterey Park, Los Angeles, California noong Chinese New Year celebration.
Kinilala ni Deputy Consul General Ambrosio Enciso, Philippine Consulate General sa Los Angeles ang nasawing Pinoy na si Valentino Alvero, 68-anyos.
Nitong Lunes, nasa 11 na ang namatay makaraang bawian ng buhay ang isa sa sampung sugatan sa malagim na insidente.
Ang mga biktima ay pawang nasa edad na 50s, 60s at 70s ayon sa Los Angeles County coroner.
Apat pa lamang sa mga nasawi ang kinilala na sina My Nhan, 65; Lilan Li, 63; Xiujuan Yu, 57; at si Alvero, 68.
Magugunitang katatapos lamang ng selebrasyon sa isang local Chinese community noong Sabado, January 21, nang pasukin ng shooter ang ikalawang palapag na dance studio—ang Lai Lai Ballroom and Studio at pinaulanan ito ng bala bago tumakas.
Ang hinihinalang shooter ay ang 72-anyos na si Huu Can Tran, Vietnamese, na natagpuang patay nang magbaril sa sarili sa loob ng isang kulay puting van sa Torrance.
Kaya’t hindi maituturing na Asian hate crime ang nangyari dahil isang Asyano ang lumalabas na shooter, pero wala pang opisyal na pahayag hinggil sa kaganapang ito.
Nabatid na si Tran ay madalas sa naturang dance studio at isa ito sa mga volunteer dance instructor dito kaya may posibilidad umanong may mga taong sadyang target nito nang salakayin niya ang naturang lugar. Patuloy pang iniimbestigahan ang kaso.
- Latest