Sumalisi sa ina ni Nadia Montenegro, sumuko
MANILA, Philippines — Hawak na ng Quezon City Police District ang isa sa walong miyembro ng “Salisi Gang” na sangkot sa pagnanakaw ng wallet ng ina ng dating aktres na si Nadia Montenegro, sa loob ng isang membership shopping store sa Novaliches, Quezon City.
Nabatid na ang suspek na si Romeo Miranda ay personal na nagtungo at sumuko sa tanggapan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) sa Camp Karingal bago magtanghali kahapon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumilitaw na si Miranda ang nagsilbing driver ng grupo na umano’y tumangay sa mga gamit ng biktimang si Linda, ina ni Montenegro. Patuloy pa namang pinaghahanap ng mga pulis ang pito pang suspek sa naturang pagnanakaw.
Nabatid naganap ang insidente sa loob ng S&R membership shopping store sa Commonwealth, Quezon City noong Miyerkules. Habang abalang namimili ang ginang nang isa-isang maglapitan ang mga suspek at ipitin siya ng maraming carts, na nagkakagulo sa pagkuha ng items sa kanyang paligid habang tinatangka naman niyang tumabi sa isang gilid.
Nang magbabayad na ay saka lamang napagtanto ng ginang na natangay na ang kanyang wallet na naglalaman ng P10,000, mga ATM cards at mga IDs.
Kaagad rin daw nakapag-withdraw ang mga ito ng P20,000 at P67,000 cash mula sa kanyang bank accounts.
- Latest