Mga sangkot sa korapsiyon ‘di patatawarin ni Duterte
MANILA, Philippines — “Hindi patatawarin at hindi maaaring aregluhin ang mga sangkot sa korapsiyon.”
Ito ang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte at katulad ng droga, walang dapat pinapaboran pagdating sa korapsiyon dahil galit siya sa mga nasabing isyu.
“I do not forgive cases sa mga corruption. Wala talaga. Walang areglo, wala lahat. No quarters given, no quarters asked. Kagaya rin sa droga, walang pabor-pabor dito. No question that I am really mad. Galit ako sa droga,” ani Duterte.
Bagaman at hindi nagbigay ng detalye, sinabi ng Pangulo na maglalagay siya ng bagong “structure” para matiyak ang integridad ng mga proyekto.
“Iyang sa mga project sa baba, iyon ang laro diyan. So we might maybe place another structure there - structure to improve the integrity of the projects and pwede ninyong ma-report maski ano basta corruption and walang patawad,” ani Duterte.
Ginawa ni Duterte ang pahayag ilang araw matapos niyang sabihin na malala ang korapsiyong nangyayari sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ilang senador din ang nagsabi na ang pondo ng DPWH para sa 2021 ay mayroong bilyun-bilyong pisong lump sum appropriations.
Muling binanggit ni Duterte na ang karamihan sa mga project engineers sa baba ang sangkot sa korapsiyon.
Nilinis naman nito si DPWH Secretary Mark Villar na hindi na umano kailangang mangurakot dahil mayaman na.
Hinikayat din ni Duterte ang mga mamamayan na tumawag at isumbong ang nalalamang korapsyon o droga sa 8888.
- Latest