Magdyowang scalper ng MMFF ticket, timbog
MANILA, Philippines — Isang magkasintahan ang natimbog ng mga otoridad matapos maaktuhang nagbebenta ng Metro Manila Film Festival (MMFF) complimentary tickets sa isinagawang entrapment operation nitong Sabado ng tanghali, sa lungsod ng Makati.
Ang mga nasakoteng suspek ay sina Hanna Evangelista at Carlo Jaramilla; pawang 21-anyos at residente ng West Rembo, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, ikinasa ang operasyon makaraang lumapit sa kanila ang mga kinatawan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ukol sa natuklasan na iligal na pagbebenta ng MMFF tickets sa pamamagitan ng social media ng mga suspek. Dito nagpanggap sila na buyer at nagkasundo na makikipagkita sa mga suspek.
Alas-11:00 ng umaga nang ikasa ang entrapment operation sa isang fastfood chain sa may Guadalupe-EDSA. Hindi na nakapalag ang mga suspek nang arestuhin sila ng mga pulis nang matagumpay na makabili sa kanila ang poseur buyer ng ticket na nagkakahalaga ng P450 bawat isa.
Sa pahayag ng MMDA, ang mga ibinibentang tiket ay pawang mga peke dahil ang mga orihinal na complimentary tickets ay manggagaling lamang sa MMDA.
Nakaditine na ngayon ang dalawang suspek sa Criminal Investigation and Detection Group-Makati at nahaharap sa kasong Estafa sa Makati City Prosecutor’s Office.
- Latest