25 kabataan dinakip sa curfew
MANILA, Philippines – Pinaghuhuli ng mga barangay officials ang nasa 25 kabataang gumagala sa dis-oras ng gabi batay sa ordinansa ng curfew hours sa Quezon City.
Ang mga kabataan na pawang nasa edad na 15 hanggang sa 17 ay pinaghuhuli ng mga opisyales ng barangay E. Rodriguez Sr. dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Ilan sa mga hinuli ay nakitang nakaistambay at pagala-gala sa lansangan, habang ang ilan naman ay nagbababad sa mga computers shop.
Ayon sa Barangay’s Peace and Security Office (BPSO), ang pagdakip sa mga kabataan ay bunga na rin ng matagal nang batas sa curfew na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan.
Base sa ordinansa na may bilang na No. 2301 o ang QC Discipline Hours para sa mga minors, ang mga residente na nasa edad na 18 ay ipinagbabawal na gumala sa pampublikong lugar mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw at sa mga mahuhuli sa unang pagkakataon ay pagmumultahin ng P2,000 o kaya ay maglaan ng community service sa loob ng 48 oras.
Para sa ikalawang paglabag, ang mga magulang ng mga nahuli sa curfew ay papapatawan ng multa ng halagang P3,000 o ang 72-oras na community service.
Habang sa ikatlong paglabag ay mga magulang ay pagmumultahin ng halagang P5,000 o pagkakapiit ng anim na buwan.
Ang mga menor-de- edad na lumabag ng higit pa sa tatlong ulit ay dadalhin na sa pangangalaga ng Social Worker ng lungsod.
- Latest