TRO sa ‘no bio, no boto’ ng Comelec
MANILA, Philippines – Naglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court laban sa implementasyon ng ‘no bio, no boto’ ng Comelec.
Kaya’t maaari nang makaboto ang mahigit sa 3 milyong rehistradong botante sa May 2016 elections kahit walang kompletong biometrics data lalo pa’t inutos din ng SC sa Comelec na huwag i-deactivate o burahin ang pangalan ng mga registered voters na walang biometrics sa opisyal na listahan ng mga botante.
Ang TRO ay inisyu ng SC kasunod ng petisyong inihain ng Kabataan Partylist laban sa ‘no bio, no boto’ ng Comelec at sa mandatory biometrics law.
Inatasan ng Korte Suprema ang Comelec at Office of the Solicitor General na maghain ng komento sa petisyon ng Kabataan partylist sa loob ng 10 araw.
Batay sa 32-pahinang petition for certiorari and prohibition ay sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon na umaabot sa mahigit sa 3 milyon botante ang nawalan ng karapatang bumoto dahil sa nasabing polisiya ng poll body.
Hiniling ng mga petitioners na ideklarang iligal at ipawalang bisa ng Korte Suprema ang ‘no bio, no boto’ policy at ideklara ring labag sa Konstitusyon ng Republic Act 10367 o mandatory biometrics voter registration law.
Maliban dito, kinuwestyon din ng Kabataan Partylist ang October 31, 2015 deadline para sa nasabing kampanya.
Dahil dito, maaari pa raw magparehistro ang isang botante hanggang sa unang linggo ng buwan ng Enero 2016.
- Latest