Holdaper rapist at pumatay sa Koreana sa Quezon City, tiklo
MANILA, Philippines - Nadakip ng mga otoridad ang isang suspek na responsable sa serye ng robbery holdup sa mga maliliit na establisyemento at bumaril at nakapatay sa isang babaeng Korean national kamakailan sa Quezon City.
Ang suspek ay nakilalang si Mark Soquil, 29, ng Riverside, Brgy. Commonwealth na nadakip makaraang buuin ang Task Force Park kasunod nang pagkasawi ni Mi Kyong Park, 45, na binaril nito sa may Been Leaf Coffeehouse Restaurant sa may Brgy. Holy Spirit nitong nakaraang Lunes.
Ang suspek ay nadakip makaraang makatanggap ang pulisya ng impormasyon ganap na alas-10:30 ng umaga kaugnay sa pagtambay nito sa harap ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue at magsasagawa na naman ng panghoholdap.
Tinungo ng mga otoridad ang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na nasamsaman ng isang granada, isang kalibre 45, ilang piraso ng plastic sachet ng shabu at motorsiklo na ginagamit nito sa kanyang iligal na operasyon.
Si Soquil ay responsable sa walong insidente ng robbery holdup at rape simula noong Disyembre ng nakaraang taon na hanggang sa kasalukuyan na ang modus ay magkunwaring kustomer saka iipunin ang mga kustomer at kawani bago ikukulong sa banyo at gagahasain ang ilang kababaihan.
Positibong kinilala si Soquil ng ilang testigo na siyang suspek na nambiktima sa kanila at tumangay ng kanilang kita at mga gamit.
- Latest