2 dedo sa flashflood, 15,000 pa apektado
MANILA, Philippines - Patay ang dalawa katao habang mahigit sa 15,000 residente ang apektado ng flashflood o mga pagbaha sa anim na bayan ng North Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Marc Ren Amores, 14, residente ng Brgy. Bangilan, Kabacan at ang magsasakang si Winnie Pajenado, 61, nalunod naman sa Arakan; pawang residente ng nasabing lalawigan.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region 12, nagulantang na lamang ang mga residente sa pagragasa ng baha sa kanilang lugar nitong Huwebes at grabeng naapektuhan ang Brgy. Poblacion, Dagupan, Katidtuan, Aringay, Bangilan, Kayaga, Plang sa bayan ng Kabacan kung saan nasa 15,000 ang naapektuhan na karamihan ay nagsilikas.
Suspindido naman ang klase sa University of Southern Mindanao.
Bukod naman sa bayan ng Arakan at Kabacan ay apektado rin ng mga pagbaha ang mga bayan ng Pikit, Matalam, Magpet at President Roxas. Namamahagi na ngayon ang lokal na pamahalaan ng mga relief goods sa publikong apektado ng nasabing pagbaha.
- Latest