North Cotabato, Cotabato City, Maguindanao blackout transmission tower ng NGCP pinasabog
MANILA, Philippines – Matinding blackout ang dinanas ng North Cotabato, Cotabato City at marami pang bayan sa Maguindanao nang pasabugin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan ang transmission tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) nitong Martes ng gabi sa Central Mindanao.
Ayon kay Captain Jo-ann Petinglay, Spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division (ID), ginamitan ng tatlong Improvised Explosive Device (IED) ang transmission tower ng NGCP at cell phone ang naging trigerring device nito.
Naganap ang pagsabog dakong alas-9:10 ng gabi sa transmission tower #26 ng NGCP na matatagpuan sa Brgy. Galakit, Pagalungan, Maguindanao kung saan sa sobrang lakas ng pagsabog ay nawasak at bumigay ang transmission tower na nagsu-supply ng kuryente sa lungsod ng Cotabato City, North Cotabato at ilang bahagi ng lalawigan ng Maguindanao.
Sinabi ni Petinglay na lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ang tatlong IED’s na ginamit sa pagpapasabog ay ginamitan ng cellphone bilang triggering device.
Narekober din ng mga nagrespondeng tropa ng militar at ng lokal na pulisya ang mga fragments ng 81MM mortar at 61 MM mortar.
Sa kasalukuyan ay wala pang grupo na umaako sa naganap na pagpapasabog pero sa kabila nito ay nakita ang mga markings sa cellular phone ng tatak ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) rebels. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
- Latest