Early registration ng DepEd, dinumog
MANILA, Philippines - Dinumog ng mga magulang at mga mag-aaral ang early registration na ikinasa ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng elementary at high school sa bansa kahapon para sa School Year 2014-2015.
Ayon sa DepEd, maaga pa lamang ay marami na ang nakapila upang magpatala sa mga paaralan, na nagbukas ng alas-8:00 ng umaga at nagsara hanggang alas-4:00 ng hapon.
Umaasa ang DepEd na magiging maganda ang resulta ng early registration bagamat hindi pa matukoy kung gaano karaming mag-aaral ang nagpatala.
Layunin ng early reÂgistration campaign na makamit ang Millennium Development Goals, gayundin ang goal para sa Education for All (EPA) ng pamahalaan.
Sakop ng Early ReÂgistration Day, na batay sa DepEd Order No.2 s.2014, na makakalap ng mga impormasyon kung ilang estudyante ang inaasahan nilang magbabalik-eskwela sa pasukan upang matukoy ang mga posibleng kakulangan at problema na maaari nilang kaharapin bago ang regular na enrolment ng klase sa susunod na school year.
Target ng early registration ang lahat ng limang taong gulang na bata para matiyak na makapag-e-enroll ang mga ito sa kindergarten at lahat ng mga anim na taong gulang na bata, para makapag-enroll naman sa grade 1.
Maging ang mga Out-of-School Children (OSC) at Out-of-School Youth (OSY) mula sa disadvantaged groups ay nais ng DepEd na mabigyan ng edukasyon.
- Latest