25 katao tiklo sa pagnanakaw ng relief goods sa Villamor
MANILA, Philippines - Nasakote ng mga sundalo ang may 25 katao na mga pekeng volunteers ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos mahuÂling nagnanakaw ng bultu-bultong relief goods na nakaimbak sa grandstand ng Philippine Air Force (PAF) sa Villamor Air Base, Pasay City.
Ito ang iniulat ni PAF Spokesman Col. Miguel Ernesto Okol, ang nasabing bilang ng mga sibilÂyang naaresto ay mula Nobyembre 16-23.
Nabatid na ang mga nahuli sa nasilat na pagnanakaw ng mga relief goods ay mga pekeng survivors o evacuees habang ang karamihan ay mga pekeng volunteers ng DSWD na nagpapanggap na magsasagawa umano ng distribusyon ng relief goods.
Ang nasabing mga relief goods na karamihan ay donasyon ng mga dayuhang bansa na kaalyado ng Pilipinas ay para sa mga biktima ng super bagyong Yolanda na humagupit sa Visayas Region partikular na sa Leyte at Samar noong nakalipas na Nobyembre 8.
Nabatid pa na ang iba sa mga kawatan ng relief goods ay may dala pang mga behikulo, isa rito ay may red plate na SKR 55 ay naharang ng mga sundalong bantay sa gate palabas ng kampo ng PAF. Habang ang iba naman ay isinuplong ng mga lehitimong volunteers ng DSWD na nagbabantay sa mga relief goods.
Nadiskubreng mga residente mula sa Pasay City ang sangkot sa nasilat na pagnanakaw ng mga relief goods.
Itinurnover na ng PAF sa himpilan ng Pasay City Police ang mga nasakoteng magnanakaw ng relief goods kaugnay ng kasong qualified theft laban sa mga ito.
- Latest