Obiena magaling na sa back injury
MANILA, Philippines — Magaling na si Asian pole vault record holder at Asian Games champion EJ Obiena mula sa kanyang back injury.
Nakarekober na si Obiena sa injury matapos ang ilang buwan na pahinga at rehabilitasyon.
Sa kanyang post sa social media, nabigyan na ito ng clearance para muling makasalang sa ensayo para sa mga susunod na laban nito.
Galing ang go-signal kay Dr. Alessandro Napolo na siyang nagbabantay sa kalagayan ni Obiena.
“Some exciting news I want to share with you all. I’m officially cleared by Dr. Alessandro Napolo and have fully recovered from my lower back injury,” ani Obiena.
Matatandaang hindi nakapagpartisipa si Obiena sa ilang malalaking international tournaments dahil sa naturang back injury.
Hindi rin natuloy ang plano sanang international pole vault competition nito sa Makati noong Setyembre na magtatampok sana sa malalaking pole vaulters sa mundo kabilang na si world No. 1 Mondo Duplantis ng Sweden.
Nagpasalamat si Obiena sa lahat ng sumuporta sa kanya partikular na sa mga nanalangin para sa mabilis nitong paggaling.
Nangako ito na magiging handa ito para sa mga susunod na laban na haharapin sa 2025 season.
Kabilang sa mga hindi sinalihan ni Obiena ang ISTAF Berlin, Zurich Diamond League at ang Diamond League final.
- Latest