Generals nagpalakas sa semis
MANILA, Philippines — Pinalakas ng Emilio Aguinaldo College ang tsansa sa Final Four matapos gulatin ang Colegio de San Juan de Letran, 68-58, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Humakot si Harvey Pagsanjan ng 13 points, 5 assists at 3 rebounds para sa 7-7 record ng Generals at solohin ang fourth place.
Laglag ang Knights sa fifth spot sa kanilang ikalawang dikit na kabiguan para sa 7-8 kartada.
Ang naging solusyon ng EAC ay ang paglimita kina Letran top scorers Jimboy Estrada at Deo Cuajao.
Tumapos si Estrada na may 10 points habang may 9 markers si Cuajao para sa Knights na ibinaon ng Generals sa 68-53 mula sa drive ni Axel Doromal sa huling 2:56 minuto ng fourth quarter.
“Na-stop lang namin sila Jimboy at tsaka si Cuajao. Kung ma-stop namin silang dalawa, wala nang iiskor sa kanila, mas lamang kami,” wika ni Kyle Ochavo na nagdagdag ng 10 points para sa EAC.
Samantala, sinikwat ng College of St. Benilde ang unang Final Four ticket matapos iligpit ang University of Perpetual Help System DALTA, 61-56.
Kumolekta si Justine Sanchez ng 16 points, 6 rebounds at 2 assists para sa 12-2 record ng Blazers.
Nahulog ang Altas sa 6-10 marka.
- Latest