Garcia, Somera hakot ng ginto sa ROTC Games Mindanao Leg
ZAMBOANGA CITY, Philippines —Humablot ng dalawang ginto sa athletics event si Alec Rowen Garcia habang nakalima ng hakot si tanker Jellie Somera sa nagaganap na 2nd Philippine Reserve Officers Training Course (ROTC) Games 2024-Mindanao Qualifying Leg kahapon sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex dito.
Nasungkit ng 21-anyos, 3rd year BS Criminology sa Northern Mindanao Colleges Incorporated ang pang limang gintong medalya para sa Philippine Army sa women’s swimming matapos lumangoy sa 50 meter freestyle at ilista ang tiyempong 34.13 segundo na ginanap sa aquatic center ng JEMSC.
Matapos masungkit ang ginto sa 1,500 meter kamakalawa ay sumikwat ulit si Garcia ng Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology sa long jump.
“Masaya po ako sa mga nakuha kong medals, sana magtuloy po ito hanggang national finals,” masayang sabi ni Somera.
Unang kinampay ni Somera ang 100m freestyle (1:22.38) sunod ang 50m backstroke (41.55) sa unang araw ng kompetisyon at noong Martes ay niratsada ang women’s 200m freestyle sa oras na 3:25.62 minuto at 100m backstroke na nilista ang 1:38.69 minuto.
Nakuwintasan din ng gintong medalya sa women’s side ng shot put sina Mary Rhose Delos Santos ng Western Mindanao State University mula sa Philippine Air Force (5.28m) at Anthonette Nunez Tubod College mula naman sa sangay ng Philippine Army (5.54).
Sa taekwondo, sinipa ni Nica Jane Pantaleon ng Nuevo Zamboanga College Inc. ang gintong medalya sa women’s flyweight division habang si Muzaina Matarul ang kuminang sa bantamweight.
- Latest