Gilas Boys sasagupa sa Lithuania sa U17 World Cup
MANILA, Philippines — Sasagupa sa mga bigating koponan ang Gilas Pilipinas Boys simula sa European powerhouse na Lithuania sa pag-arangkada ng 2024 FIBA U17 World Cup ngayon sa Sinan Erdem Dome sa Istanbul, Turkey.
Ito ang pagbabalik ng Gilas youth sa world stage simula nang huling makapasok noong 2019 sa ilalim ng golden era nina Kai Sotto, AJ Edu at Carl Tamayo na pare-pareho nang nasa Gilas men.
Unang hamon sa Gilas ang World No. 7 Lithuania sa alas-5:30 ng hapon (Manila time) bago sumabak kontra sa World No. 2 na Spain at World No. 15 na Puerto Rico sa Group A.
Pare-parehong podium finishers ang tatlong koponan sa mga nakalipas na edisyon ng U17 World Cups sa pangunguna ng European champion na Spain na pumangalawa sa USA noong 2022 edition sa homecourt nila sa Malaga.
Subalit Lithuania muna ang makakaharap ng mga bataan ni coach Josh Reyes sa ngayon na kapwa nila fourth-placer sa continental championship na naging daan nila patungo sa World Cup.
Samantala, nagkaroon ng injury si Kieffer Louie Alas, kumamada ng 15.4 points at 8.6 rebounds sa 2023 FIBA U16 Asian Championship sa Doha, Qatar, at papalitan ni Champ Arejola.
Sa World Cup ay makakasama niya sina Kurt Nathan Velasquez, Elijah Mark Williams, Cletz David Amos, Edryn Morales, Joaquin Gabriel Ludovice, Irus Chua, Bonn Ervin Daja, Paul Cyron Diao, Jaime Lorenzo Gomez-De Liaño, Samuel Alegre at Noah Matteo Banal.
Kahit ano ang maging resulta ay hindi matatanggal ang Gilas dahil pasok na lahat sa Round of 16.
- Latest