Sunog kilay noon
Bugbog sa Lithuania (107-48) at gulpi sa Spain (96-34) ang inabot ng Gilas Pilipinas sa kanilang unang dalawang laro sa FIBA U17 World Cup sa Turkey.
Sa pagsasara ng labanan sa Group A, haharapin ng Gilas boys ang kanilang Puerto Rican counterparts. Underdogs pa rin ang ating mga bata at malamang panibagong gulpi ang abutin.
Kasabay nito ang mas malupit na gulpi, bugbog at hambalos na inaabot ni coach Josh Reyes sa social media.
Inilagay niya ang kanyang sarili sa ganitong sitwasyon dahil sa pagsalo o hindi pagtanggi sa offer na hawakan niya ang Youth Squad kasama ng kanyang posisyon bilang assistant coach sa Men’s Team.
Ang siste ay alam ng bayang basketbolista ng Pilipinas na wala siyang pinanggalingang head coaching position sa PBA, UAAP, NCAA o saan man.
Isa ito sa pinanggagalingan ng mainit na batikos.
Hindi kasi kagaya noong araw na mga beterano at premyadong coach din ang pinahahawak ng Youth Team.
Paano mo naman ikukumpara ang mandatong ito kumpara sa appointment sa parehong posisyon noon ng mga gaya nina Turo Valenzona, Joe Lipa, Ato Badolato, Larry Albano at Francis Rodriguez.
Pawang nagsunog ng kilay ang mga ito at nanalo ng kampeonato either sa UAAP or NCAA bago isinalang sa Asian Youth Championship.
Mahirap idepensa ang posisyon ni Josh.
- Latest