Angel Canino masaya sa bagong posisyon
MANILA, Philippines — Niyakap na ni Angel Canino ang opposite spiker ng Alas Pilipinas na sasalang sa AVC Challenger Cup na idaraos sa Ninoy Aquino Stadium.
Matinik na outside hitter si Canino habang naglalaro ito para sa De La Salle University sa UAAP women’s volleyball tournament.
Ngunit nang maging bahagi ito ng Alas Pilipinas, inilipat ito ni Brazilian head coach Jorge Souza de Brito sa opposite position.
Naging epektibo naman ang naging desisyon ni De Brito dahil mas lalong naging mapanganib si Canino sa opposite.
“There will always be pressure on my part especially when you make some achievements but I always tell myself that I shouldn’t be thinking about it,” ani Canino.
Sa katunayan, itinanghal pa itong Best Opposite Hitter sa AVC Challenge Cup na ginanap sa Rizal Memorial Coliseum.
Nagtapos ang Alas Pilipinas sa ikatlo sa AVC Challenge Cup — ang pinakamataas na puwesto ng Pilipinas sa isang Asian level tournament sa nakalipas na mga dekada.
Nais ni Canino na mag-enjoy sa bawat laro sa kabila ng bagong posisyon na nilalaro nito.
“What I’m thinking is how I’m going to enjoy the game and give everything I have, especially now we’re gonna have it again here in Manila so I wanna show the Filipinos our talents again,” dagdag ni Canino.
Mas matinding laban ang haharapin ng Alas Pilipinas sa AVC Challenger Cup na siyang magiging daan para makapasok sa prestihiyosong Women’s Volleyball Nations League (VNL) sa susunod na taon.
Ang magkakampeon ay uusad sa Women’s VNL.
- Latest