RC-Air Force lusot sa Mane ‘N Tale
MANILA, Philippines - Pinaigting ng RC Cola-Air Force ang kanilang depensa laban sa Mane ‘N Tale na may mahusay na import upang hugutin ang 25-22, 26-24, 22-25, 25-22 panalo kahapon sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics sa Cuneta Astrodome.
Sa mahusay na pagdedepensa nina Emily Brown at Bonita Wise, nalimitahan ng Raiders si Kristy Jaeckel tungo sa kanilang panalo sa wo-men’s division ng inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katulong ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Solo na ngayon sa third place ang RC Cola-Air Force taglay ang 3-2 win-loss card sa likod ng Petron (4-0) at Cignal (2-1).
Nalaglag ang Mane ‘N Tail sa1-3 at may isang laro na lamang na natitira sa first round ng torneong suportado rin ng Solar Sports bilang official broadcast partner.
Nagtala ang 6’2 na si Brown ng 18 kills at dalawang aces para sa 20 points habang si Wise ay may 14 points bukod pa sa kanyang mahusay na pagdedepensa kay Jaeckel.
Gayunpaman, impresibo pa rin ang laro ni Jaeckel, nagtala ng league-high 40 points sa kanilang panalo sa Foton, matapos kumamada ng 34 hits at tatlong aces para sa 38 points. Ngunit ‘di siya nakaporma sa crucial stretch nang pagtulung-tulungan siyang depensahan nina Brown, Wise at iba pang Raiders defenders.
“We only have one battle cry prior the start of this game: It’s all about Jaeckel,” sabi ni Raiders coach Rhovyl Verayo. “We know that she’s the league’s best import, so we carefully studied her game to somehow minimize her attacks. We deployed two blockers every time she attacks.”
- Latest