PLDT malakas signal

Triple-double ni Belen tinunaw
MANILA, Philippines — Tinapos ng PLDT ang dalawang sunod na kamalasan matapos ikonekta ang 21-25, 25-21, 25-21, 25-21 panalo kontra sa Capital1 Solar Energy sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
Nagkadena si Fil-Canadian Savi Davison ng triple-double na 28 points, 18 excellent receptions at 10 excellent digs para sa 1-2 kartada ng High Speed Hitters na naunang natalo sa Nxled Chameleons at Akari Chargers.
“I feel like we all kinda came into this game knowing that we had something to come back from, and it’s more ourselves than anything,” sabi ng 27-anyos na outside hitter.
Umiskor si Kim Kianna Dy ng 11 points at may siyam at walong marka sina Alleiah Malaluan at Dell Palomata, ayon sa pagkakasunod.
May 27 excellent digs si team captain at libero Kath Arado para sa kanilang depensa, habang naglista si setter Angge Alcantara ng 15 excellent sets.
Nadiskaril ang target na ikatlong sunod na ratsada ng Solar Spikers para sa kanilang 2-2 baraha.
Pumalo rin si Bella Belen ng triple-double na 23 points, 19 excellent receptions at 10 excellent digs para sa Capital1 na nakahugot kay Vanie Gandler ng 16 points at 16 receptions kasunod ang 15 markers ni Erika Santos.
Kinuha ng PLDT ang 2-1 abante sa laro matapos isuko ang first set.
Sa fourth set, inilapit ni Belen ang Solar Spikers sa 21-23 bago kumonekta si Dy ng cross-court hit at block ni Palomata kay Belen para tapusin ang laro.
Pupuntiryahin ng PLDT ang ikalawang dikit na panalo sa pagsagupa sa ZUS Coffee sa Oktubre 29 sa Santiago, Isabela.
- Latest

















