Sweep sa Gazz Angels

Kakasa sa Cool Smashers sa Finals
MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Petro Gazz ang three-game sweep sa single-round robin semifinals papasok sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Finals.
Pumalo si Myla Pablo ng 16 points mula sa 11 attacks, apat na blocks at isang ace para banderahan ang Gazz Angels sa 25-22, 25-20, 25-18 pagwalis sa Akari Chargers kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-ambag si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 15 markers habang may siyam na puntos si Fil-Am MJ Phillips at tumipa ng 12 excellent sets si Chie Saet para sa ikaanim na finals stint ng Petro Gazz hangad ang ikatlong titulo.
Muling makakasagupa ng Gazz Angels sa PVL AFC Finals ang Creamline Cool Smashers na dinomina ang utol na Choco Mucho Flying Titans, 25-19, 25-15, 25-15, sa ikalawang laro.
Ito ang pang-pitong sunod na finals appearance ng Creamline at asam ang ‘five-peat’ para sa kabuuang ika-11 titulo.
“It feels very surreal. It’s been a very long conference and there’s a lot of ups and downs and to be where we are right now is amazing,” ani Van Sickle sa una niyang PVL finals appearance.
Huli silang sumampa sa PVL Finals noong 2023 1st All-Filipino Conference kung saan sila dinaig ng Creamline sa deciding Game Three.
“Itong finals na ito para kay Brooke. Kasi isipin n’yo in the two conference siya iyong gumagawa. Ngayon parang tinulungan namin si Brooke na makuha namin itong finals na ito,” dagdag ni Pablo.
Nauna nang pinatumba ng mga bataan ni Japanese coach Koji Tsuzurabara ang Creamline at Choco Mucho bago isinunod ang Akari.
Hahataw ang best-of-three championship series sa Martes sa Big Dome.
Bagsak ang Akari sa 1-2 record at nakahugot kay Grethcel Soltones ng 14 points habang may walo at pitong na marka sina Ivy Lacsina at Eli Soyud, ayon sa pagkakasunod.
Itiniklop ng two-time Reinforced Conference champions ang laro sa loob ng isang oras at 27 minuto.
- Latest