Lady Blazers pakay ang ika-3 dikit sa Lady Generals
MANILA, Philippines — Balak ni Clydel Mae Catarig at ng defending champions College of Saint Benilde na pahabain ang kanilang winning streak sa tatlo pagsagupa nila sa Emilio Aguinaldo College sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na lalaruin sa EAC gym sa Gen. Luna St. sa Paco, Manila.
Alas-11 ng umaga ang simula ang labanan, sunod ang bakbakan sa pagitan ng Letran at San Beda University sa ala-1 ng hapon.
Kasalo ng four-peat seeking, CSB ang Intramuros-based squad sa No. 2 spot ng team standings.
Hawak nila ang tig-5-1 karta habang solo sa tuktok ang University of Perpetual Help System DALTA na may malinis na anim na panalo.
Pinamunuan ni Catarig ang opensa para sa St. Benilde nang kalusin nila ang Lyceum of the Philippines University, 25-16, 25-17, 25-14 sa tatlong sets sa huli nilang laro kaya asahan na siya pa rin ang pangunahing armas ni coach Rogelio Getigan Jr.
May barahang 1-5 ang EAC kaya asahang itotodo nila ang lahat ng lakas upang silatin ang CSB.
- Latest