Lakers solido sa 4th spot sa West

LOS ANGELES — Humakot si Luka Doncic ng 20 points, 9 assists at 6 rebounds at nagtala si LeBron James ng 16 points, 8 rebounds, 4 assists at 2 blocks sa 104-98 pagtakas ng Lakers sa Houston Rockets.
Kumonekta sina Gabe Vincent at Dorian Finney-Smith ng tig-anim na three-point shots para sa kanilang tig-20 points sa pagkapit ng Los Angeles (45-29) sa fourth place sa Western Conference.
Umiskor si Amen Thompson ng 20 points kasunod ang 14 markers ni Dillon Brooks sa pagtatapos ng three-game winning run ng Houston (49-27).
Si Fil-Am Jalen Green ay may siyam na puntos lamang mula sa malamyang 4-of-13 field goal shooting.
Dalawang free throws ang ipinasok ni James sa huling 11.1 segundo na nagbigay sa Lakers ng 102-98 kasunod ang pagsupalpal sa layup ni Rockets’ center Alperen Sengun.
Sa Memphis, nagtala si Jayson Tatum ng 25 points at 14 rebounds at may 26 markers si Al Horford sa 117-103 panalo ng nagdedepensang Boston Celtics (56-19) sa Grizzlies (44-31).
Sa Oklahoma City, kumolekta si Shai Gilgeous-Alexander ng 27 points at 12 assists sa 145-117 pagbugbog ng Thunder (63-12) sa Chicago Bulls (33-42).
Sa Orlando, bumira sina Kawhi Leonard at Norman Powell ng tig-21 points sa 96-87 paglunod ng LA Clippers (43-32) sa Magic (36-40).
- Latest