GlobalPort kumasa sa US Open Polo
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas ang GlobalPort polo team matapos patumbahin ang BTA sa iskor na 10-7 upang manatili sa kontensiyon sa US Open Polo Championship na ginaganap sa National Polo Center sa Wellington, Florida.
Binanderahan ni team owner at sports patron Mikee Romero ang GlobalPort na naglatag ng balanseng atake para makuha ang panalo.
Bida si Bartolome Castagnola na kumana ng anim na goals kabilang ang tatlo sa final chukker.
Dahil sa panalo, buhay na buhay pa ang pag-asa ng GlobalPort na makahirit ng tiket sa quarterfinals.
Ang 22-goal tournament na crown jewel ng polo sa United States ay ang third at final leg ng prestihoyosong Gauntlet of Polo series.
Nauna na ang C.V. Whitney Cup at USPA Gold Cup.
Umangat sa 1-1 rekord ang Pinoy squad.
Inalat ang GlobalPort sa kanilang unang preliminary match kung saan natalo ito sa Whitney Cup champion La Dolfina/Tamera sa iskor na 7-9 noong nakaraang linggo.
Sunod na makakasagupa ng GlobalPort ang USPA Gold Cup winner Park Place sa Sabado.
May 1-1 head-to-head record ang GlobalPort at Park Place sa Gauntlet.
- Latest