Mojdeh magpapasiklab sa juniors
MANILA, Philippines — Nais ni World Cup finalist na magkaroon ng magandang exit sa kaniyang huling international tournaments sa juniors division.
Kaya naman ibubuhos nito ang lahat ng kaniyang lakas upang makahirit ng gintong medalya sa 46th Southeast Asian Age Group Swimming Championships na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
“This will be my final SEA Age. I’m incredibly honored to represent our country one last time in this meet,” ani Mojdeh.
Isa si Mojdeh sa 12 tankers na ipinadala ng Philippine Aquatics Inc. sa SEA Age Group Swimming Championships.
Kasama nito sina Shania Joy Baraquiel, Sophia Garra, Riannah Chantelle Coleman, Maxene Uy at Liv Abigail Florendo sa girls’ division.
Hahataw naman sa boys’ division sina Jamesray Ajido, Jan Mikos Trinidad, Peter Dean, Jaydison Dacuycuy at Ivo Enot.
Kamakailan lamang ay galing si Mojdeh sa matagumpay na kampanya sa 2024 World Aquatics Swimming World Cup na ginanap sa South Korea at Singapore.
Matatandaang umabot sa finals si Mojdeh sa women’s 200m butterfly kung saan nagtala ito ng dalawang minuto at 16.58 segundo sa second leg ng World Cup sa Singapore.
Maliban sa World Cup, nasilayan na rin ito ng dalawang beses sa World Juniors Championships kabilang na ang pag-entra nito sa semifinals noong 2022 edisyon sa Lima, Peru.
- Latest