Frigoni pinuri ang ipinakita ng Alas men
MANILA, Philippines — Matinding preperasyon ang gagawin ng Alas Pilipinas men’s team para sa FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025 sa Setyembre.
Bahagi ng paghahanda ng Nationals ni Italian coach Angiolino Frigoni ang katatapos lamang na Alas Pilipinas Invitationals.
Winalis ng tropa ni Marck Espejo ang kanilang mga laro sa Thailand national team, South Korean club Hyundai Capital Skywalkers at Indonesian pro league champion Jakarta Bhayangkara Presisi sa Smart Araneta Coliseum.
“The three matches (Invitationals), we had bad moments,” sabi ng 71-anyos na si Frigoni. “But we didn’t give up. We stay there and we play. And that is what I like.”
Nakatakda ang world meet sa Setyembre 12-28.
Bukod kay Espejo, nagpakitang-gilas din sina Owa Retamar, Steven Rotter, Louie Ramirez, Peng Taguibolos at Kim Malabunga.
Masaya si Frigoni sa pagdikit ng Alas Pilipinas, kasalukuyang World No. 59, sa kanilang mga regional rivals.
Ngunit sinabi niyang iba ang paglalaro sa world championship kung saan nila makakalaban ang World No. 16 Iran, No 22 Egypt at No. 39 Tunisia sa pool play.
“We are going to compete against Iran in the world championship. Against Egypt that I know very well because I was coaching there a long time ago,” ani Frigoni.
“And again Tunisia. So they are in another level of ranking and in another level of volleyball,” dagdag nito.
Bago ang world meet ay lalaban muna ang Alas Pilipinas sa Asian Volleyball Confederation Men’s Volleyball Nations Cup na magbubukas sa Martes sa Bahrain.
Kasama ng mga Pinoy spikers sa grupo ang Thailand, Kazakhstan at New Zealand.
- Latest