Yulo lilipad sa Japan sa Oktubre 14
MANILA, Philippines — Nakatakdang magtungo si Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo sa Japan para pasalamatan ang mga personalidad at grupo na tumulong sa kanya doon.
Tutulak sa Tokyo si Yulo sa Oktubre 14 hanggang 18 kung saan kabilang sa pupuntahan nito ang Teikyo University kung saan ito nag-aral bilang iskolar.
Makikipagkita si Yulo sa pangulo ng unibersidad para personal itong pasalamatan.
Inaasahang makikipagkita rin ito kay Japanese coach Munehiro Kugimiya na siyang humubog kay Yulo para maging isang world-class gymnast.
Matatandaang si Kugimiya ang naging katuwang ni Yulo sa pagkopo ng kanyang kauna-unahang world title noong 2019 sa World Championships matapos nitong pagharian ang men’s floor exercise
Maraming nakalinyang torneo ang paghahandaan ni Yulo sa susunod na taon.
Ilan dito ang World Cup na gaganapin sa Cottbus, Germany sa Pebrero 20 hanggang 23 para sa first leg; sa Marso 6 hanggang 9 sa Baku, Azerbaijan para sa second leg; at sa Marso 20 hanggang 23 sa Antalya, Turkey para sa third leg.
Bukod pa rito ang SEA Games na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.
- Latest