P20K multa kay Sangalang
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni Magnolia star Ian Sangalang na sinadya niyang sundutin ang mata ni Rain or Shine import Aaron Fuller sa Game Two ng kanilang Season 49 Governors Cup quarterfinals series.
Sinabi ng Hotshots veteran forward na hindi niya sinasadyang masundot ang kaliwang mata ni Fuller kagaya ng akusasyon sa kanya ni Elasto Painters’ coach Yeng Guiao.
“Hindi ko magagawa ‘yun. Para sa akin, aksidente ‘yung nangyari,” wika ng 6-foot-8 na si Sangalang na pinagmulta ng PBA Commissioner’s Office ng P20,000 dahil sa nasabing insidente.
“Twelve years na ako sa PBA, isang beses pa lang ako na-flagrant foul, eh nangyari pa ‘yun ngayong season,” ani ng dating NCAA MVP mula sa San Sebastian Stags.
Nagkaroon si Fuller ng torn cornea at hindi na nakabalik sa laro kung saan minasaker ng Magnolia ang Rain or Shine, 121-69, para sa 1-1 tabla sa kanilang best-of-five duel.
Muling naglaro si Fuller sa Game Three at iginiya ang Rain or Shine sa 111-106 overtime win sa Magnolia.
Nakatabla ang Hotshots sa 2-2 matapos ang 129-100 pagbugbog sa Elasto Painters sa Game Four noong Martes.
Pag-aagawan ng Magnolia at Rain or Shine ang semifinals berth sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang mananalo ang sasagupa sa nagdedepensang TNT Tropang Giga, sinibak ang NLEX, 3-1, sa best-of-seven semis series.
- Latest