GM title asam ng 3 Pinoy
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng tatlong Pinoy senior chess players ang Grandmaster title sa pagsabak sa FIDE World Senior Chess Championships sa Nobyembre 16-24 sa Porto Santo Island, Portugal.
Naniniwala sina International Masters Chito Garma, Jose Efren Bagamasbad at FIDE Master Mario Mangubat na makakamit nila ang kanilang pangarap.
“Mabigat ang laban namin, pero kondisyon ako at talagang magaan ang feeling ko na makukuha ko, finally ‘yung Grandmaster title,” wika ng 60-anyos na si Garma kahapon sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ sa Rizal Memorial Coliseum VIP Room sa Malate, Manila.
Kumpiyansa rin ang 68-anyos na si Bagamasbad ng Camarines Norte na makakamit nilang tatlo ang pinakamimithing titulo.
“Mula sa Executive Chess tournament, umangat ako sa National Open sa international tournament. Nakuha ko ‘yung dalawang GM norm, nagawa ko ito. Kaya sabi ko sa sarili ko magagawa ko ring makuha ang GM title,” ani Bagamasbad.
Nakuha nina Garma at Bagamasbad ang tiket sa World Championships matapos magwagi sa kani-kanilang age bracket (50-64 yrs at 65-over), ayon sa pagkakasunod, sa Asian Senior Championships sa Tagaytay City.
Nakakuha si Mangubat ng bronze sa 65-over class.
Kakailanganin ng tatlong senior chess players na makamit ang titulo sa kanilang mga age classes para sa ‘outright’ GM title.
Sakaling malasin ay ang pagtatapos sa top 10 ang magbibigay sa kanila ng karagdagang FIDE points sa tatlo.
Sa nakalipas na Chess Olympiad ay nakamit ni Daniel Quizon ang GM title para maging ika-17 Pinoy GM.
- Latest