No. 9 title target ng Creamline
MANILA, Philippines — Ang pang-siyam na korona ang puntirya ng Creamline, habang ang kauna-unahang titulo ang hangad ng Akari.
Pag-aagawan ng Cool Smashers at Chargers ang 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference championship ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tinakasan ng Creamline ang Cignal HD, 20-25, 26-28, 25-18, 27-25, 15-13, sa kanilang knockout semifinal match papasok sa ika-12 finals appearance.
Nagawa ito ng tropa ni coach Sherwin Meneses na wala sina injured Alyssa Valdez at Tots Carlos at Alas Pilipinas member Jema Galanza.
“I think what makes Creamline special is, you know, we’re not focused on one person. We’re not just one person, we’re offense-heavy,” ani American import Erica Staunton na humataw ng 38 points sa paglusot ng Cool Smashers sa HD Spikers.
Ito ang ikatlong finals stint ng Creamline sa Reinforced Conference matapos magreyna noong 2018 at sumegunda noong 2019.
Kinumpleto naman ng Akari ang eight-game sweep sa eliminations kasunod ang pagpapatalsik sa Farm Fresh sa quarterfinals at ang pagsibak sa PLDT sa semifinals para ilista ang 9-0 record.
“Hindi namin ito in-expect na aabot kami ng semis kasi ang target lang namin is mag-No. 6 or mag-Top 5,” ani Gretchel Soltones sa Chargers na ang best finish ay pang-pito.
“Ang iniisip namin is magtrabaho lang kami. Kung ibigay samin ‘yung (championship) ngayong season, bonus na lang `yon. Ang importante po nag all-out kami ngayong season,” wika ni Soltones.
Bukod kay Staunton, muli ring aasahan ng Creamline sina Bernadeth Pons, Michele Gumabao, Kyle Negrito, Pangs Panaga at Bea De Leon katapat sina Soltones, American import Oly Okaro, Ivy Lacsina, Kamille Cal at Michelle Cobb ng Akari.
“We’re ready, we’re hot, we’ve got the energy, so let’s see what happens,” sabi ni Okaro na makiki-pagduwelo kay Staunton.
- Latest