Bridges inilusot ang Nets sa Nuggets
DENVER — Nagposte si Mikal Bridges ng 25 points para tulungan ang Brooklyn Nets sa 122-120 paglusot sa Nuggets at malampasan ang triple-double ni Nikola Jokic.
Umiskor si Nic Claxton ng 20 points habang may tig-15 markers sina Dorian Finney-Smith at Spencer Dinwiddie para sa pang-limang panalo ng Brooklyn (39-29) sa huling anim na laro.
Kumolekta si Jokic ng 35 points, 20 rebounds at 11 assists para sa kanyang league-leading na ika-27 triple-double sa season sa panig ng Denver (46-22) na nakahugot kay Michael Porter Jr. ng 23 markers.
Sa kabila ng kanyang mga numero ay naimintis naman ni Jokic ang kanyang panabla sanang 14-foot jumper para sa Nuggets sa natitirang limang segundo.
Sa Los Angeles, kumamada si Julius Randle ng 33 points at may 30 markers si RJ Barrett para pamunuan ang New York Knicks (40-30) sa 112-108 paggupo sa Lakers (33-35).
Sa Philadelphia, humataw si Joel Embiid ng 34 points sa 112-93 pagdaig ng 76ers (45-22) sa Washington Wizards (31-37).
Sa Charlotte, tumipa si Darius Garland ng 28 points habang may 23 markers si Donovan Mitchell sa 114-108 pagsapaw ng Cleveland Cavaliers (43-27) sa Hornets (22-48).
Sa New Orleans, naglista si Trey Murphy III ng career-best na siyam na 3-pointers para tumapos na may career-high na 41 points sa 127-110 paggiba ng Pelicans (33-35) sa Portland Trail Blazers (31-37).
Sa San Antonio, naghulog si Jalen Williams ng 21 points para sa 102-90 pagpapatumba ng Oklahoma City Thunder (33-35) sa Spurs (17-50).
- Latest