PBA players tutulong sa mga on-call personnel at sa sambayanan
MANILA, Philippines — Inaasahan nang marami pa ang susunod sa inisyatibo ni Alaska coach Jeff Cariaso na tulungan ang mga PBA game day personnel.
Matapos mangako si Cariaso na magbibigay ng P100,000 ay susuportahan din nina PBA players Cliff Hodge at Nico Salva ng Meralco, Chris Ross ng San Miguel, Kiefer Ravena ng NLEX at Harvey Carey ng TNT Katropa ang mga on-call PBA personnel na apektado ng pagkakasuspindi ng mga laro bunga ng coronavirus (COVID-19) pandemic.
“I will donate 20k to help in your cause coach, let me know also if there is anything else i can do to help our PBA family,” wika ni Hodge sa kanyang Twitter account.
Tatapatan naman ni Ross ang nasabing P20,000 donasyon ni Hodge.
“Donated already coach. Sent pm. Thanks!,” wika naman ni Salva kay Cariaso.
Ang mga non-PBA regular employees ay ang mga table officials, statisticians, gate keepers at entertainment personnel na kumikita lamang tuwing may laro ang liga.
Sa nasabing pangakong P100,000 ni Cariaso ay P50,000 dito ay mula sa Alaska, P25,000 galing kay Aces team governor Dickie Bachmann at P25,000 sa kanyang sariling bulsa.
Samantala, magbibigay naman ang mag-asawang Japeth at Cassy Aguilar ng 40 boxes ng facemasks para sa mga frontliners.
- Latest