Lady Bulldogs nagparamdam agad

MANILA, Philippines — Ipinaramdam agad ng defending champion National University ang kanilang bangis matapos nilang lapain sa tatlong sets ang matikas din na De La Salle University, 25-23, 25-21, 25-18 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, kagabi.
Maagang nagliyab ang opensa nina Alyssa Solomon at Mhicaela Belen para sa Lady Bulldogs na nirehistro ang 1-0 karta at saluhan ang Far Eastern University, University of the Philippines at Adamson University sa top spot ng team standings.
Matapos ang mahirap na panalo sa first at second set ay hindi na pinatagal ng Lady Bulldogs ang bakbakan sa set 3, nagtulungan sina Solomon, Belen at Alexza Nichole Mata para tapusin ang Lady Spikers.
Pinamunuan ni Belen ang opensa ng NU sa itinalang 14 puntos habang 13 at 10 points ang binakas nina Solomon at Mata, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala si Shevana Maria Laput ng 18 markers lahat galing sa spikes pero hindi sapat para itaguyod sa panalo ang Taft-based squad.
Samantala, umukit ng rookie record si Shaina Nitura sa kanyang unang laro sa UAAP matapos akbayan ang Adamson University sa mahirap na 21-25, 20-25, 25-12, 25-15, 15-12, panalo kontra Ateneo.
Nagliyab si Nitura sa opensa matapos irehistro ang 33 points mula sa 28 spikes, apat na blocks at isang service ace para igapang sa panalo ang Lady Falcons at sumalo sa tuktok ng team standings na may 1-0 karta.
Binura ng 19-anyos outside hitter na si Nitura ang record na 31 points na naitala ni Angge Poyos ng University of Sto. Tomas nang kalusin nila ang University of the East nakaraang season.
- Latest